Tuesday, September 20, 2011

Pilantik ng Tadhana

Photo credit: lurve-inme

By: yhetz03


Kay yabang kong pumorma at kung umasta'y parang Donyang hilaw na kakapatong lamang sa ipot ng kalabaw. Ganun ako dati, isang nakakasukang bulaklak na pinaglihi sa lagim ng hinagpis at panlulumong wari'y sa isang iglap isang di mapantayang suklam na naguumapaw.

Sabi ko kay Ruben, hinding hindi ako papatol sa isang lalaking katulad ko lang na hampas lupa at kung iyon din lamang ang mapapangasawa ko'y mas gugustuhin ko nang malantang uhaw sa dilig habambuhay. Mahirap at napakasalimuot ang mabuhay sa iisang kahig at tuka lamang at yun ang nag udyok sa aking murang isipan at aking pinangarap ang marangyang buhay. Maghahanap ako ng mayaman na magaahon sa akin sa hilahil, karukhaan na magbibigay ng magandang buhay at tatawagin akong Donya Eliza.

At kaya ko naman nabanggit kay Ruben ang mga salitang yaon ay dahil batid ko ang kanyang mithiin at damang dama ko sa tamis ng kanyang mga salita ang mensahe na nais n'yang iparating. Nangungusap ang kanyang mga mata at tila sining ang bawat galaw na kahit isang musmos ay alam na sya'y nanliligaw.

Ruben, mas mainam siguro na maging friends na lang tayo, sagot ko bilang tugon sa panunuyo ni Ruben.

Kung mamarapatin lang sana ay ayaw kong masaktan si Ruben dahil bukod sa maginoong tao, sya'y isang matalik kong kaibigan. Kung kaya't kabisado na namin ang isa't isa ay sa kadahilanang mula pagkabata'y kami na ni Ruben ang magkasama. Kinalakihan kong sya na ang nakilala kong kababata at duon nagmula ang masidhing damdaming nagpalapit sa amin sa isa't isa.

Ang pagkakilala namin ay mula't ulo hanggang paa. Simula pagkabata'y siya na ang aking kalaro. Ang maligo sa batis na kapwa kaming walang damit, ang pumunta sa tumana para mamitas ng kamatis, ang maglaro ng bahay bahayan na sya ang tatay at ako ang nanay, ang manghuli ng tutubi sa bakanting lagwerta ni Mang Inteng,  ang maghabulan sa dalampasigan t'wing hapon, ang mangupit ng luya sa munting tindahan ni Aling Maria, ang magluto ng dahon ng malunggay sa tinapyas na lata ng sardinas at marami pang iba.

Naaalala ko pa nga nung grade 1 kami, hindi pwedeng pupunta si Ruben nang paaralan na hindi ako kasama. Palibhasa'y lumaki kami sa nayon kung saan napapaligiran ang aming bahay (mga limampung metro lang ang pagitan) ng mga nagluluntiang palayan at iba pang mga pananim.
Nagtitinda ng nilagang saging ang nanay ni Ruben at ang Tatay niya naman ay pangingisda at pagaararo ng mga bukirin ang ginagawa. Mag-isang anak si Ruben kung kaya't ang buong atensyon ng mga magulang ay nasa kanya at lahat na lang halos ng kayang gawin ay ginagawa para sa kanya. Sa kabila nito, naging mabuting anak si Ruben sa kanila at ni hindi ko kinakitaan ng pagkasuwail kahit kailan.

Ako ang panganay sa tatlo at ang dalawa kong kapatid na lalaki ay pinaampon ng aking inay sa aking tiyohing hndi nagkaanak nuong pumanaw ang aking ama. Tatlong taon lamang ako nuong namatay si itay at simula nuon, pinasan na ng aking inay ang tungkulin ng isang magulang upang suportahan at mabigyan ako ng magandang bukas.
Bakas na bakas sa bawat ngiti ni inay ang tindi ng hirap at hindi ko maiwasan ang mapaluha nang nagiisa sa tuwing naaalala ko iyon. Duon nagsimula ang adhikain kong makahanap ng lalaking makaangat sa amin sa kahirapan pagdating ng araw.

Nang magdalaga at magbinata na kami ni Ruben saka lang nya sinabi na kaya raw pala sya malapit sa akin ay dahil mahal niya ako.

"Hindi pwede Ruben, pag pinagsama natin ang mga puso natin, magiging miserable lang ang buhay natin pati na rin ng kinabukasan ng mga anak natin. Ayaw kong danasin nila ang hirap ng buhay na dinaranas natin", ito ang sabi ko sa kanya.

Mabait at mapagmahal na tao si Ruben. Kung tutuusin kung kabaitan lang at tunay na pagmamahal ang hahanapin mo sa isang lalaki, nasa kanya na lahat. Pero hindi iyon ang hinahanap ko, praktikal akong tao at ayaw kong danasin ng mga magiging anak ko ang buhay na tinamasa ko sa piling ng aking mga magulang. Mahal ko ang aking ina at hindi ako nagsisisi na mahirap kami at lalong hindi ko sinisisi ang aking inay.

Nuong umalis ako sa amin para magtrabaho sa Maynila, napaluha ng husto si Ruben. Ramdam na ramdam ko ang kanyang kalungkutan at ibinilin nya sa akin na kung mabibigo ako sa hinahanap ko sa Maynila, nandirito lang siya para ako'y tanggapin, mamahalin at pakakasalan. Ipinangako ko naman sa kanya na hindi ako uuwi sa amin nang bigo. Na hindi mangyayari ang sinabi nyang sa kanya ako babalik. Buo na ang aking pasya, lalaking mayaman ang gusto kong mapapangasawa at hindi ang isang Ruben lang.


Sa unang mga araw, linggo, at buwan ko sa Maynila, sinasagot ko pa ang mga tawag at texts ni Ruben. Damang dama ko pa din ang tamis at pagmamahal sa kanyang mga text messages subalit sa pagdaan ng mga buwan at taon, pinilit ko na syang iwasan at kinalimutan. Naka adjust na ako dito sa Maynila, marami na akong mga kaibigan at ang daming mga lalaking pagpipilian.

Totoo ang inisip kong makapamili ka ng mga lalaking mapera, sila ang may kotse at mayayaman na nasisilaw din sa ganda ng isang babae. Yun ang naging edge ko dito sa Maynila. Naiinlove ang mga lalaki sa ganda ng babae at masuwerte akong mayroon akong taglay nito. Puhunan pala iyon. Sa taas kong 5'4" at maalindog na katawang binalotan ng mala porselanang kutis banyaga, hinarap ko ang napakaraming manliligaw and I have the freedom to choose kung sino sa kanila ang pinakamayaman. May pinagaralan naman ako at kahit papano, tapos ako ng Business Administration course kung kaya't hindi mahirap sa akin ang magkaroon ng trabaho dito. Syempre pipili na rin lang ako ng mapapangasawa eh di titiyakin ko nang pinakamalaki at pinakamatabang isdang pwede kong mabingwit.

Maliban sa trabaho, wala na akong ibang inatupag kundi ang makipag date at magkilatis sa kanila. Date dito date duon, kilatis dito kilatis duon hanggang sa makilala ko si Reynan. Sa lahat ng nanliligaw sa akin, siya ang pinakamayaman at pinakamaimpluwensya sa lahat. Hindi siya kaguwapohan pero nakakatili ang matipuno nyang katawan. Nakakapantasya ang mga mayayamang bisig at matitigas na kalamnan. Hatid sundo niya ako papuntang trabaho at syempre mamahaling sasakyan ang service namin with matching bodyguards pa. Sa madaling sabi, pinili ko si Reynan at naging magkasintahan kami.

Masaya at buong buo ang aking tuwa sa mga sandaling iyon. Nalasap ko ang buhay na parang kailan lang ay sa panaginip ko lang nakikita. Ibinahay nya ako sa mamahaling condo at natupad ang pangarap kong maging Donya Eliza. Magarang mga damit, mamahaling sasakyan, masasarap na pagkain, hi-tech na mga gadget at gamit at kung anu anu pang binibili ni Reynan para sa akin na labis ko namang kinalulugdan.

Hindi maipinta ang tuwang aking nadarama sa mga sandali ng aming pagsasama. Isang karangyaang sumilaw sa akin at nagpalimot sa lahat ng kumikinang kong alaala. Na sa bawat pintig ng sandali ay isang malagintong kaganapan nang hindi matawarang aliw at tuwa. Isang di maipintang ligayang aking sinasamsam habang ako'y nakahiga sa rurok ng materyal na pagmamahal at ligaya.

Lingid sa aking kaalaman, naging board topnotcher si Ruben sa kurso niyang Arkitektura at isang malaking kompanya sa US ang gustong kumuha sa kanya bilang Architectural Consultant. Nairaos na niya ang kanyang mga magulang sa kahirapan at nakapagpundar na sya ng mga lupain at ari-arian duon sa aming lalawigan ng Antique. Matagumpay na arkitekto si Ruben at maraming banyagang kliyente ang kumukuha ng kanyang serbisyo. Kinalimutan na din nya ang pangako niya sa akin na hihintayin nya ang aking pagbabalik para ako'y pakasalan simula nuong nalaman niya sa nanay ko na mayroon na akong ka live-in dito sa Maynila. Kay bilis ng panahon, mag lilimang taon na pala akong hindi umuuwi sa amin. Pamilyadong tao na din si Ruben at masaya na siya sa pinili niyang propesyun.

Sa hindi inaasahang mga sandali, isang malaking suliranin ang gumimbal sa aking buhay. Isang pusikit na landas ang dumungaw at yumurak sa aking pagkatao. Nawindang sa iisang iglap ang lahat ng aking mga pangarap. Isang pagkakamaling sa umpisa pa lamang ay batid ko nang mali subalit pinilit kong pangatawanan kapalit ng karangyaan.

Napagpasyahan kong umuwi sa Antique. Limang taon na ang nagdaan at marami na ang nagbago sa lugar namin. Dalawang palapag na ang eskwelahan na dati'y gawa lang sa tablang niyog at nipang bubong.  Wala na ang bakanteng lote ni Mang Inteng na pinanghuhulihan namin ng tutubi ni Ruben nuong araw. Napapalibutan na ng malawak na palaisdaan ang buong nayon. Mayroon na ding nakatayong pabrika ng canned products malapit sa baybayin at isang eleganting mansion sa may bandang kinatitirikan ng aming tahanan. Sementado na ang irrigasyon sa palayan at mayroon na ding kalsada papasok duon sa aming bahay. Namangha ako sa laki ng pinagbago at laking gulat ko nuong sinabi ng traysikel drayber na sinakyan ko na lahat iyan ay pagaari ni Ruben. Isang mayamang Amerikano ang nakipagsosyo sa kaniya upang magtayo ng negosyo sa aming lugar kung kaya't kitang kita ang asenso nito.

Halos hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Tila sampal sa aking mukha ang hiyang aking nadarama at hindi magkamayaw ang aking puso sa mga panghihinayang nais kong sambitin. Alam ng lahat sa amin na marangya ang aking buhay sa Maynila subalit malaking kahihiyan ang hindi ko man lang naitawid ang buhay ni inay katulad ng ginawa ni Ruben. Nakakapanglumo isipin na sa kabila ng tinatamasa kong ligaya naghihirap pa rin siya. Nakalimutan kong may naiwan pala akong ina na umaasang maitaguyod at maitawid ko siya sa isang matuwid na landas at payak ngunit masayang buhay.

Pagkababa ko nang traysikel, nakita ko kaagad si Marife sa bakuran ng malaking mansion kalong-kalong ang isang sanggol. Kaklase namin ni Ruben nuong elementarya si Marife at siya pala ang kaniyang nakatuluyan. Lalong nanlambot ang aking katawan sa aking nasaksihan. Inggit at may halong pagsisi ang aking nadama. Napakaswerte naman ni Marife.

Nadatnan ko si nanay na nanunuod ng TV sa munting bahay na naipundar ko at laking tuwa niya nuong nakita niya ako. Nagyakapan kami at kapwa napaluha. Alam na ni inay ang lahat lahat sa akin pero sa kabila nito handa niya akong tanggapin at handa siyang mamuhay ulit kami na magkasama at masaya. Madami siyang kwentong sinabi sa akin habang kami naghahapunan. Lahat ng pangyayaring naganap sa lugar namin, pati na din ang tagumpay na narating ni Ruben. Napapikit na lang ako nang banggitin ni inay na, bago daw nag asawa si Ruben tinanong pa nito kung may pag asa pa ba siya sa akin subalit sinabi ni inay na nag asawa na ako. Duon ko napagtanto kung gaanu ako kamahal ni Ruben. Hindi pala nabibili ng pera ang totoong ligaya. Tiyak ko na tinatamasa ngayon ni Marife ang ligayang iyon. 

Kinaumagahan, bumisita sa bahay si Ruben. Binati niya ako at kinumusta. Nangibabaw pa rin ang pride ko. Nagawa ko pang magyabang sa kaniya. Sabi ko maganda ang buhay ko sa Maynila. May-ari ng malaking kumpanya ang napangasawa ko. Bakas pa rin sa mukha ni Ruben ang tamis ng pagkakaibigan namin. Damang dama ko pa din ang kabiguan sa kanyang mga mata at sa bawat kislap nito ay nanduon ang alab ng pagmamahal na sanay inalay niya sa akin.

Pagkatapos namin magusap, kinamayan pa ako ni Ruben at sinabing "masaya ako para sa iyo Eliza. Sadya lang siguro na hindi talaga tayo para sa isa't isa". May halong lungkot na sinabi ni Ruben ang mga katagang ito.

Pagkatalikod niya saka naglaglagan ang mala kristal na mga butil ng aking luha. Hindi ko mapigilan ang umiyak ng umiyak. Paano ko aaminin sa kanya na buntis ako at ayaw pangatawanan ng ka live-in ko ang dinadala kong sanggol? Paanu ko sasabihin sa kaniya na ginamit lang ni Reynan ang aking katawan at dangal? Paanu ko ipagtapat sa kaniya na kaya ako umuwi ay dahil nalaman ng asawa ni Reynan na may kabit siya kaya ako natanggal sa trabaho? Hindi ko na maibabalik ang lahat. Ako'y nagpaalipin sa tamis ng materyal na bagay. Napakasakit ang pilantik ng tadhana at ngayon ako ay naluklok sa bangin ng pagdurusa samantalang si Ruben ay alam kong masaya sa piling ng babaeng karapat-dapat na pinili nya. At hindi ako iyon.

No comments:

Post a Comment